CALAUAG, Quezon, Philippines — Mabilis na nakababa at nakaligtas ang lahat ng sakay ng isang Bicol bound passenger bus bago ito tuluyang nilamon ng apoy habang bumibyahe sa Maharlika highway sakop ng Barangay Doña Aurora sa bayang ito, kamakalawa ng madaling-araw
Ayon sa ulat ng Calauag Police, bandang alas-4:00 ng madaling araw ay minamaneho ni alyas “Arden”, 45, residente ng Jose Panganiban, Camarines Sur ang Daewoo bus na pagmamay-ari ng Raymond Bus Company nang magpreno sa palusong na bahagi ng kalye.
Maya-maya ay nakarinig ng pagsabog mula sa gulong ng bus ang driver kung kaya’t inihinto niya sa gilid ng kalye ang sasakyan at kasunod noon ay ang biglang pagliyab ng apoy.
Mabilis na pinababa ng driver at konduktor ang lahat ng mga pasahero saka binombahan ng fire extinguisher ang nasusunog na bahagi ng bus subalit hindi naapula ang apoy hanggang sa tuluyang masunog ang buong sasakyan.
Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection-Calauag ang sanhi ng sunog at ang halaga ng natupok na bus.