Brgy. chairman, anak todas sa ambush! 

Idineklarang dead-on-arrival sa Suero Ge­neral Hospital sa Cabugao si Brgy. Caronoan Chairman Bello Joseph Valorozo, 52, habang dinala sa Pira Hospital ang anak nitong si Ju-mar, 24, saka inilipat sa Northside Doctors Hospital kung saan siya binawian ng buhay.
File

MANILA, Philippines — Patay ang isang barangay chairman at anak nito nang tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek kamakalawa ng gabi sa San Juan, Ilocos Sur.

Idineklarang dead-on-arrival sa Suero Ge­neral Hospital sa Cabugao si Brgy. Caronoan Chairman Bello Joseph Valorozo, 52, habang dinala sa Pira Hospital ang anak nitong si Ju-mar, 24, saka inilipat sa Northside Doctors Hospital kung saan siya binawian ng buhay.

Lumilitaw na nangyari ang insidente dakong alas-7:10 ng gabi sa national highway ng Brgy. Lapting, bayan ng San Juan.

Ayon sa San Juan Municipal Police, sakay ang mag-ama ng Mitsubishi MV 100 van at pauwi na nang biglang paputukan ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.

Agad na tumakas ang mga salarin matapos ang krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang mga salarin at motibo ng krimen.

Ito na ang panga­lawang insidente sa pagpatay ng punong barangay sa lalawigan ng Ilocos ngayong buwan. Noong Setyembre 20, nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin si Brgy. Capt. Francisco Bagay Jr. sa San Nicolas, Ilocos Norte sa garahe ng kanyang bahay. Naglaan na rin ng P300,000 pabuya ang local na pamahalaan ng San Nicolas sa sinumang makapagtuturo sa mga pumatay kay Bagay.

Show comments