Bugaw ‘di nagbigay ng malaking tip, inutas

MANILA, Philippines — Isang manikurista na kilala umanong bugaw ang nasawi matapos tarakan ng saksak ng babaeng kapwa bugaw nang hindi bigyan ng parte sa natanggap na malaking tip na nakuha ng una, iniulat kahapon sa Bacolod City.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang 51-anyos na biktima na residente ng Brgy. Singcang, Bacolod City.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na kinilalang si Joan Nabe, 35, residente ng Purok Progreso 2 Vista Alegre, ng nasabing lungsod.

Ayon kay Police Major Elmer Bonilla, hepe ng Bacolod City Police Station 1, alas- 3:30 ng hapon nang maganap ang krimen noong Martes sa Public Plaza sa Barangay 12, ng nabanggit na lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen, binigyan ng suspek ang biktima ng kustomer para ito ay kumita.

Kalaunan, nalaman ng suspek na malaki ang ‘tip’ na ibinigay sa biktima kaya sinugod niya ito sa plaza at kinompronta, subalit nagmatigas ang huli na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Dito, binunot ng suspek ang bitbit nitong kutsilyo at inundayan ng saksak sa dibdib ang biktima saka tumakas.

Sa kabila ng tinamong sugat sa dibdib nagawa pang makahingi ng tulong ng biktima sa mga otoridad at dinala ito sa ospital para lapatan ng lunas pero kalaunan ay namatay din.

Show comments