Suspek sa pagpatay at panggagahasa sa 8-anyos na kapitbahay arestado

MANILA, Philippines — Nadakip na ng pulisya ang lalaking suspek sa pagpatay at panggagahasa sa isang 8-taong gulang na babaeng natagpuang nakasako, sa Sta. Ana, Taytay, Rizal, kamakalawa ng gabi.

Kinilala  ang suspek  na si alyas “Jhonmar” 41-anyos, may-asawa, tubong Basilan, Islam, residente ng  Road 14, Purok 3, Abnai, Lupang Arenda, Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal.

Sa ulat ni P/Colonel Felipe B Maraggun, Provincial Director, Rizal Police Provincial Office, naging masigasig sa hot pursuit at  manhunt operations ang Taytay Police Station sa pangunguna ni P/Lt. Col Gaylor  Pagala, at Rizal Provincial Intelligence Unit na pinangunahan ni P/Chief Master Sgt. Ronnel De Guzman na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa alas-10:50 ng gabi ng Set­yembre 13 sa  Block 30 Mabunga St. Purok 5, Lupang Arenda, Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal.

Mismong ama ng bata ang nagpahayag na kapitbahay at kaibigan pa niya ang suspek.

Natukoy na sa resulta ng autopsy na sinakal at ginahasa ang biktima, na nagtamo pa ng maraming sugat sa mukha.

Noong Set. 11 , Miyerkules, nang mawala ang bata at natagpuan ang bangkay nito na nakasilid sa sako, Huwebes ng gabi  sa isang bakanteng lote, may 500 metro ang layo mula sa kanilang bahay.

Naging kakilala umano ng ama ng biktima ang suspek dahil pareho sila nag-aalaga ng manok at paminsan-minsan na nakakainuman.

Show comments