Lady trader nabiktima ng ‘Basag-Kotse’

CAVITE, Philippines — Natanga­yan ng pera at cellphone ang isang negosyanteng babae makaraang basagin ng mga miyembro ng hinihinalang “Basag-Kotse Gang” ang kanyang sasakyan habang nakahimpil sa parking area ng isang kilalang fast food chain sa Brgy. Biga, bayan ng Silang, dito, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng pulisya, alas-8:28 ng gabi nang maganap ang insidente kung saan dumating ang biktimang si Luzviminda Calo, sakay ng kaniyang Ford Ranger pick-up na kulay Black Mica at may plakang AAA 9705, kasama ang kaniyang driver at anak.

Iniwan nila ang sasakyan sa parking area ng isang restaurant at pumasok sa loob upang kumain. 

Minuto lamang umano ay biglang tumunog ang alarm nito kung kaya agad itong sinabihan ng naka-duty na security guard ng nasabing establisimyento.

Gayunman, nang kanilang puntahan ang sasakyan ay nakitang basag na ang kaliwang bintana nito at wala na rin ang shoulder bag ng biktima kung saan nakalagay ang mga pera at cellphone nito.

Show comments