MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Kinasuhan na ng Bulacan Police Provincial Office ng robbery hold-up sa Bulacan Prosecutor’s Office ang tatlong pulis na dawit sa big time robbery hold-up sa isang negosyante nitong nakaraang Agosto 28 ng umaga matapos pasukin ng mga ito ang isang bahay sa Brgy. Borol 2nd, Balagtas, Bulacan at nakatangay ng halagang P30 milyon at mga gadgets.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Central Luzon Police Regional Director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ang tatlong nasakoteng pulis sa isinagawang follow-up operations na sina PStaff Sgt. Anthony Ancheta, 48, may-asawa, ng Brgy. Mojon, Malolos City, nakatalaga sa Malolos City Police Station; PMaj. Armando Reyes, 55, may-asawa ng Brgy. Sta. Cruz, Sta. Maria, Bulacan, nakatalaga sa Hagonoy Municipal Police Station, at PSenior Master Sgt. Ronnie Galion, 43, may-asawa ng Brgy. Mag-asawang Sapa, Sta. Maria, Bulacan na nakatalaga sa Sta. Maria Municipal Police Station.
Tinutugis na rin ng mga awtoridad ang apat pang suspek na sinasabing mga aktibong pulis din na nakatalaga sa lalawigan ng Bulacan.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-10:00 ng umaga nang pasukin ng pitong suspek ang bahay ng negosyanteng si Emerson Magbitang, 35, isang pharmaceutical supplier at residente ng St. Francis Subdivision, Brgy. Borol 2nd, Balagtas, Bulacan.
Nagpanggap na nanghihingi ng tulong pinansiyal ang mga suspek kung kaya madali silang nakapasok sa bahay ng negosyante.
Gayunman, tinutukan umano ng baril ng mga suspek si Magbitang at saka tinangay ang P30 milyong cash nito na ayon sa kanya ay kaka-withdraw lamang nito sa bangko.
Tinangay rin umano ng mga suspek ang tatlong cellphone na kalaunan ay kanila ring itinapon sa Balagtas NLEX upang hindi ma-trace at masundan habang sila ay tumatakas.