Jeep bumaliktad, hulog sa burol: 2 patay, 16 sugatan

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina alyas Arvin, 13-anyos, at 5-anyos na pamang­king si Princess, kapwa residente ng Brgy. Cagay, Leon, Iloilo.
STAR/File

MANILA, Philippines — Dalawang menor-de-edad ang patay habang 16 na iba pang pasahero ang sugatan matapos ilang ulit na bumaliktad at mahulog sa malalim na bahagi ng highway ang pampasaherong jeepney na karamihan ay mga batang estudyante ang sakay sa Barangay Cagay, bayan ng Leon, sa Iloilo kahapon ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina alyas Arvin, 13-anyos, at 5-anyos na pamang­king si Princess, kapwa residente ng Brgy. Cagay, Leon, Iloilo.

Siyam naman sa mga nasugatan ay nagkakaedad ng 12 hanggang 15.

Kabilang pa sa mga sugatan sina Kate Tadulan, 19, Barangay Ingay, Leon; Edmond Tadulan, 52, ng Brgy. Ingay; Geldeliza Camagos, 45, ng Ingay; John Aranda, 44, ng Cagay; Marijen Cari, 42, ng Danao; Allalyn Cari, 38, ng Danao; at Analyn Cabalfin, 39, ng Cagay, nasabi ring bayan.

Ayon kay Captain John Predic Padilla, hepe ng Leon Police Station, nanggaling ang pampasaherong jeepney sa Cagay, may mahigit 25 kilometro ang layo mula sa town proper, nang mangyari ang aksidente bandang alas-6:10 ng umaga.

Ang jeepney na minamaneho ni Yuben Cabansag, 39, residente ng Cagay, ay may sakay na 30 pasahero na patu­ngong Bucari at Leon town proper.

Habang bumabagtas umano ang jeepney sa pataas at pakurbang bahagi ng burol nang dumausdos ito. Sinubukan ng driver na ipreno pero biglang bumaliktad at nagpagulung-gulong ang sasakyan hanggang sa mahulog sa malalim na bahagi ng daan.

Sinabi ni Padilla na madulas ang kalsada sa lugar nang maganap ang insidente.

Agad na isinugod ang mga biktima ng mga rumespondeng rescue teams sa Aleosan District Hospital sa bayan ng Alimodian subalit idineklarang dead-on-arrival sina Arvin at Princess.

Nabatid na kasama ni Princess ang kanyang ina na hindi nasaktan nang maganap ang insidente.

Nasa kustodya na ng pulisya ang driver ng jeep.

Show comments