CAWAYAN, Masbate, Philippines — Patay ang isang mangingisda matapos na pagsasaksakin ng kanyang kainuman makaraang magtalo at magkasuntukan sa Purok-6, Brgy.Dalepi, ng bayang ito, kamakalawa ng hapon.
Agarang nasawi dahil sa malalim na saksak sa dibdib at ilang bahagi ng katawan ang biktima na kinilalang si “Lito”, 27-anyos habang arestado naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek na si “Romy”, 34-anyos, kapwa mangingisda at residente ng naturang barangay.
Sa ulat, dakong alas-2:00 ng hapon nag-iinuman ang dalawa kasama ang ilang kaibigan nang magkaroon ng pagtatalo hanggang magkasuntukan. Gayunman, makaraang magsapakan ay umuwi ang suspek at nang bumalik ay armado na ng patalim at agad pinagsasaksak ang biktima na duguang humandusay. Sinubukan pang isugod ito sa pagamutan ng bayan pero hindi na umabot nang buhay.