COTABATO CITY, Philippines — Siyam katao kabilang ang pitong menor-de-edad mula sa dalawang pamilyang Moro ang sugatan nang mahagip ang kanilang sinasakyang pampasaherong multicab ng isang Army KM 450 light truck habang bumabagtas sa Datu Odin Sinsuat (DOS), Maguindanao del Norte nitong Huwebes ng hapon.
Sa ulat ng DOS Police, kabilang sa mga sugatan ang isang nanay at mga batang nagkaka-edad ng 2 hanggang 10.
Sa mga hiwalay na ulat ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station at ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office, dakong alas-5 ng hapon nitong Agosto 8 nang maganap ang insidente sa Sitio Daiwan, Barangay Upper Capiton, ng naturang bayan.
Lumalabas na nabundol ng kasalubong na KM (Korean Motors) 450 light truck, plate number SJD 617, 2IID, ng 92nd Infantry Battalion na minamaneho ni Saimore Castillo, 34-anyos ng Philippine Army at taga-Angono, Rizal, ang kanang gilid ng pampasaherong kulay light green Suzuki multicab (MAL 3745), na minamaneho ni Zuhari Abas, 43, ng Brgy. Capiton, DOS, Maguindanao del Norte, nang ito ay biglang lumiko pakaliwa sa isang bahagi ng highway sa naturang lugar.
Agad isinugod ng mga nagrespondeng pulis at sundalong sakay ng KM 450 truck na nasangkot sa aksidente sa pagamutan ang mga nasaktang pitong grade school pupils kasama si Aomi Abas na nanay ng dalawa sa mga batang biktima, at ng nasabing driver ng multicab.
Inatasaan na ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, ang mga opisyal ng 92nd IB na sakop ang ilang bayan na nasa teritoryo ng 6th ID, na magpaabot ng ayuda sa 9 na nasaktan sa aksidente.