SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan, Philippines — Arestado ang isang 37-anyos na lalaking armado ng baril na nangholdap sa isang coffee shop sa Brgy. Kaypian ng nasabing lungsod kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Jose Amurao Saldivar Jr, ng Brgy. 188, North Tala, Caloocan.
Sa report ng SJDM police station,naganap ang insidente,alas-8:00 ng gabi sa University Heights, Brgy. Kaypian.
Sa inisyal na imbestigasyon, pinasok ng suspek na armado ng caliber .38 ang coffee shop at nagdeklara ng holdap.
Kinuha ng suspek ang limang celphone ng ilang indibiduwal na nasa kapehan hanggang sa tumakas lulan ng motorsiklo.
Agad humingi ng tulong ang may-ari ng kapehan sa pulisya na mabilis na rumesponde at nahuli kalaunan ang suspek na kung saan nabawi ang mga tinangay na cellphone at ang baril na ginamit.
Samantala,alas-11:00 ng gabi ay naaresto ng mga nagpapatrulyang tanod ang suspek na si Ernesto Redubla, 32 ng Brgy. Gumaoc West matapos na pagnakawan ang isang bahay at tinangay ang pitaka na may lamang P8,000.