MANILA, Philippines — Nagdeklara na nitong Miyerkules ng state of calamity ang Cavite City matapos namang mawalan ng tahanan ang 900 pamilya ng Badjao sa malawakang sunog sa lungsod noong Hulyo 14.
Sa nakarating na ulat sa Office of Civil Defense (OCD) Region IV A, ang state of calamity ay idineklara ni Cavite City Mayor Denver Christopher Chua base na rin sa rekomendasyon ng konseho.
Ang pagdedeklara ng state of calamity ay upang magamit ng lokal na pamahalaan ang nakalaang pondo para sa mga residente ng lungsod sa panahon ng kalamidad at maging sa mga hindi inaasahang sitwasyon ng emergency.
Noong linggo ay tinupok ng apoy ang mga kabahayan sa Brgy. Dalahican, ng lungsod kung saan nasa 900 pamilyang Badjao ang inilikas at pansamantalang nanuluyan sa evacuation center.
“Sa loob lamang ng ilang oras ang tirahan na pinaghirapang itayo ng mahigit 900 pamilya ng Badjao, Dalahican, Cavite City ay biglang naglaho dahil sa sunog,” ani Chua sa kaniyang Facebook account.
Namahagi na rin ang pamahalaang lungsod ng mga relief goods sa mga naapektuhang pamilya.