Lover ni misis tinodas ni mister sa selos!

‘Crime of passion’

LUCBAN, Quezon, Philippines —  Binaril hanggang sa mapatay ang isang magsasaka ng mister ng babaeng umano’y karelasyon ng una dahil umano sa matinding selos, kamakalawa ng hapon sa Barangay Kulapi ng bayang ito.

Ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa ulo ng hindi pa batid na kalibre ng baril ay kinilala sa pangalang Jimboy, 24, ng Barangay Malupak habang patuloy ngayong tinutugis ang suspek na si alyas Mark, 29 ng Barangay Kulapi.

Ayon sa pulisya, bandang alas-3:20 ng hapon ay inihinto ng biktima ang kanyang motorsiklo sa harapan ng isang tindahan upang bumili ng sigarilyo.

Maya-maya ay nilapitan ng suspek ang biktima at pinaputukan ng dalawang beses sa ulo na agad nitong ikinabulagta.

Mabilis na naglakad papatakas ang suspek bitbit ang baril na ginamit sa krimen.

Lumalabas sa imbestigasyon na matinding selos ang dahilan ng krimen. Nakarating umano sa kaalaman ng suspek na ang biktima ay lover ng kanyang misis.

Show comments