COTABATO CITY , Philippines — Nagpahayag ng suporta ang mga etnikong tribo sa Central Mindanao sa bagong organisang Soccsksargen Responsible Miners Association (SRMA) na kanilang magiging katuwang sa pagtiyak ng ligtas at maayos na pagmimina ng mga minerals at fossil fuels sa probinsya ng South Cotabato sa Region 12.
Sakop ng Soccsksargen, o Region 12, ang mga probinsya ng South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat at Sarangani na may mga ancestral lands ng iba’t ibang tribong katutubo na may malalaking deposito ng copper, gold at coal.
Sa ulat, pormal nang nanumpa sa kanilang mga katungkulan nito lang nakalipas na linggo sa harap ni Engineer Efren Carido, regional director ng Mines and Geosciences Bureau 12 na naka-base sa Koronadal City ang mga bagong opisyales ng SRMA na sina Joselito Kakilala, ng Sagittarius Mines Incorporated bilang presidente; Joel Bernales ng Kiamba Mining Corporation, bise presidente; Elna Betalac ng C.A. Betalac Construction and General Merchandise Incorporated, secretary; Josephine Balonga ng South Cotabato Small Scale Miners Federation, treasurer; at Axel Tumulak ng Carmen Copper Corporation, auditor.
Layunin ng SRMA na tumulong sa kampanya laban sa illegal mining at mga programang titiyak ng environment-friendly mining sa rehiyon.
Sa hiwalay na mga pahayag, tiniyak naman ng dalawang popular na tribal leaders sa South Cotabato na sina Domingo Collado ng tribong Blaan at Edmund Ugal ng T’boli, ang suporta ng kani-kanilang grupo sa SRMA dahil sa naniwala silang makatutulong ito sa pagsisiguro ng ligtas na pagmimina ng coal, copper at gold sa kanilang mga ancestral lands.
May ginagawa nang legal na malakihang coal mining sa lugar ng mga etnikong T’boli sa Lake Sebu, South Cotabato at nakatakda nang magsimula sa 2025 ang Tampakan Copper-Gold Project sa mga ancestral domains ng mga Blaan sa hindi kalayuang bayan ng Tampakan batay sa pahintulot ng Malacañang, DENR, National Commission on Indigenous Peoples at ng mga lokal na tribal councils.