MANILA, Philippines — Inilipat ng puwesto si Police Major Luis De Luna, Jr., ang hepe ng Alitagtag Police sa Batangas na nabigyan ng “spot promotion” matapos na masabat ang may P9.6 bilyong halaga ng shabu sa checkpoint noong nakaraang buwan.
Ngunit agad na nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil na hindi sinibak si De Luna kundi inilipat lang sa ibang puwesto para na rin sa kanyang seguridad.
Sinabi ni Marbil na hindi biro ang nasamsam na shabu ni De Luna at kanyang mga tauhan noong Abril 15 na inidikasyon na malaking sindikato ang kayang nasagasaan sa operasyon.
Hindi naman tinukoy ni Marbil kung saan inilipat ng puwesto si De Luna.
Nauna rito, sinibak sa puwesto ang hepe ng Batangas Police na si Lt. Col. Reynaldo Domelod bunsod naman ng bigong operasyon sa Canadian national na konektado sa ilegal na droga na nakuha sa Alitagtag, Batangas.