Dahil sa init ng panahon
TAYABAS CITY, Philippines — Dalawang ahas na lumutang dahil sa tindi ng init ng panahon sa magkahiwalay na lugar dito sa lungsod ang nasagip at nai-turnover na sa Tayabas City Environment and Natural Resources Office (CENRO), kamakalawa.
Unang nasagip ang isang Reticulated Python o Malayopython reticulatus na ini-report ni Homer Jaspeo, residente ng Sitio 3, Brgy. Baguio matapos itong makita sa kanilang bahay noong Abril 26.
Bloated ang naturang ahas kaya dinala ito sa City Veterinary Office para maobserbahan at mabigyan ng kaukulang lunas bago ibalik sa natural na tirahan.
Nitong Abril 28, makamandag na Philippine Cobra o Naja Philippinensis naman ang ni-report ng isang concerned citizen na nakita sa isang lugar sa Sitio Sampaga, Brgy. Malaoa ng nasa ring bayan.
Bunsod nito, patuloy ang panawagan ng ahensya na ang pangangaso, pangongolekta, at pagmamay-ari ng kahit anong uri ng wildlife o “buhay-ilang” ay may parusa sa ilalim ng Repubic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001. Ipagbigay-alam umano sa kanila kung may mababalitaan na anumang klase ng pang-aabuso o iligal na gawain na makakasira sa kapaligiran at likas na yaman.
Ayon pa sa Tayabas CENRO, dahil sa sobrang init ng panahon kung kaya naglalabasan ang mga ahas at naghahanap ng mga lugar na malamig na puwede silang maging komportable na katulad ng tao.