Grade 7 inutas habang sumasagot ng module

Kinilala ang biktima na si Jacquilene Reponte, 14-anyos, residente ng Sitio Riverside I, Barangay Cansojong, Talisay City, Cebu, na nagtamo ng tama ng bala sa pisngi na tumagos sa kabilang bahagi.
STAR/File

Pinasok ng lalaking naka-mask sa bahay

MANILA, Philippines — Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang babaeng Grade 7 student matapos siyang pasukin ng isang armadong lalaki at pagbabarilin habang abala sa pagsagot ng kanyang module sa loob mismo ng kanilang bahay sa Talisay City, Cebu kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Jacquilene Reponte, 14-anyos, residente ng Sitio Riverside I, Barangay Cansojong, Talisay City, Cebu, na nagtamo ng tama ng bala sa pisngi na tumagos sa kabilang bahagi.

Ayon kay Plt. Col. Epream Paguyod, hepe ng Talisay City Police Station, nangyari ang krimen dakong alas-9:40 ng umaga sa bahay ng biktima.

Sa pahayag ng kapatid ng biktima, nagsasagot ng kanyang module sa kuwarto ang kanyang kapatid nang biglang pumasok ang armadong suspek na nakasuot ng mask at agad binaril sa ulo ang biktima sa hindi batid na dahilan.

Anang kapatid, wala siyang alam na kaaway si Jacquilene.

Mabilis na isinugod ang estudyante sa Cebu South Medical Center pero Idineklarang dead-on-arrival.

Sinabi ni Paguyod na mayroon na silang “person of interest” sa krimen pero hindi pa nito tinukoy ang pagkakakilanlan.

Kinondena naman ni Dr. Salustiano Jimenez, regional director ng DepEd-7, ang brutal na pamamaslang sa nasabing estudyante at umaasa silang agad madarakip ang mga suspek. Aniya, winakasan ng mga kriminal ang pangarap ng isang inosenteng estudyante.

Show comments