Pamilya nag-outing sa resort: Paslit nalunod

MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang masaya sanang family outing matapos na masawi ang isang paslit na miyembro ng pamilya nang malunod sa swimming pool sa isang private resort sa Rodriguez, Rizal, nabatid kahapon.

Kinilala lamang ang biktima sa pangalang “Roxan”, 4-anyos, at residente ng Sitio Sapa Wawa, Brgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ng Rodriguez Municipal Police, alas-3:00 ng hapon ng Abril 22, 2024 nang maganap ang insidente ngunit naiulat lamang ito sa pulisya, kamakalawa.

Lumalabas na dahil sa init ng panahon, nagkayayaan ang pamilya ng biktima na maligo sa isang pribadong resort sa Sitio Wawa 2, sa Brgy. San Rafael.

Habang naliligo ang pamilya, maya-maya ay nagulat na lang umano ang ina ng biktima nang makitang walang malay ang anak habang nakababad sa tubig ng pool.

Kaagad na isinugod ang bata sa Casimiro Ynares Hospital ngunit idineklara nang patay ng mga doktor.

Show comments