Mister naningil ng pautang sa lamay, binaril

Kinilala lang ng pulisya ang biktima sa alyas na “Tony”, 48-anyos, may asawa at residente ng Brgy. Tirona, GMA, Cavite .
STAR / File

CAVITE , Philippines — Isang mister ang kritikal matapos pagbabarilin sa lamay nang komprontahin at singilin ang utang nito ng isang lasing na lalaki habang kapwa nakikipaglamay sa patay kamakalawa ng gabi sa Brgy. Dacon, Gen. Mariano Alvarez (GMA), dito sa lalawigan.

Kinilala lang ng pulisya ang biktima sa alyas na “Tony”, 48-anyos, may asawa at residente ng Brgy. Tirona, GMA, Cavite .

Tumakas naman ang suspek tangay ang armas na ginamit sa pamamaril sakay ng kanyang Toyota Revo na kinilala sa alyas na “Anton”, residente ng Towerville, Brgy. Gaya-gaya,  San Jose Del Monte City, Bulacan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-10:50 ng gabi nang maganap ang insidente habang kasagsagan ng lamay sa isang patay na residente sa Brgy. Dacon.

Nabatid na nagpunta ang suspek kasama ang kaniyang pamilya upang makiramay sa pamilyang namata­yan. Dumating din sa lamay ang biktima na diumano’y lasing at nang makita nito ang suspek ay agad niyang kinompronta hinggil sa diumano’y utang nito.

Nauwi ang paniningil sa mainitang pagtatalo hanggang sa mapikon ang suspek nang mapahiya sa ginawa ng biktima kung kaya kinuha nito ang kaniyang maiksing baril at pinagbabaril ang huli.

Nang duguang bumulagta ang biktima, mabilis na sumakay ang suspek sa Toyota Revo SUV na may plate number NCN 6183  kasama ang pamilya at umalis sa lugar.

Agad na naitakbo sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima pero inilipat din sa Philippine General Hospital sa Manila dahil sa maselang kalagayan nito.

Show comments