Pulis-HPG nangotong ng motorista, arestado

Dinakip nitong Biyernes ng gabi ng mga operatiba ng IMEG si Police Master Sergeant Nasrollah Gani, isa sa limang mga kasapi diumano ng RHPU-BAR na target ng naturang operasyon na pinamunuan ni Police Lt. Col. Aldrin Abila, acting chief ng IMEG Mindanao Field Unit.
Philstar.com / Jovannie Lambayan, file

COTABATO CITY, Philippines — Na-entrap ng mga kasapi ng Integrity Monitoring and Enforcement Group ng Philippine National Police ang isang kapwa pulis ng Regional Highway Patrol Group-Bangsamoro Autonomous Region matapos umanong mangikil ng P50,000 sa isang may kotseng mali ang pagkalagay ng license plate.

Dinakip nitong Biyernes ng gabi ng mga operatiba ng IMEG si Police Master Sergeant Nasrollah Gani, isa sa limang mga kasapi diumano ng RHPU-BAR na target ng naturang operasyon na pinamunuan ni Police Lt. Col. Aldrin Abila, acting chief ng IMEG Mindanao Field Unit.

Si Gani ay agad dinakma ng mga kabaro nang tanggapin ang hinihingi umanong pera sa naturang entrapment operation na ikinasa batay sa reklamo ng kanila diumanong ginipit na may ari ng kotseng Honda Civic na may mali sa pagkakalagay ng plaka.

Samantala, isang kasamahan ni Gani na hindi naman target ng naturang entrapment operation at ‘di rin inireklamo ng pangingikil na si Police Executive Master Sergeant Benigno Mercado, ang nasugatan nang bigla siyang tumalon sa hagdan ng kanilang tanggapan sa PC Hill sa Cotabato City nang napuna nitong may mga taga IMEG na nagsagawa ng entrapment sa kanila mismong tanggapan. 

Show comments