‘Freemasonry’ magdaraos ng 3-araw na pagpupulong

MANILA, Philippines — Nakatakdang magdaos ng malakihang pagpupulong ang mga opisyal at miyembro ng Freemasonry o Francmasoneriya, ang Kataas-taasang Gran Lohiya ng Malaya at Kinikilalang Mason ng Pilipinas (The Grand Lodge of Free and Accepted Masons of the Philippines).

Nabatid na idaraos ang 106th Annual Communication o ANCOM ng mga Masons sa Abril 25-27, 2024 sa Clark, Pampanga.

Ang 106th ANCOM na may tatlong araw na mahahalagang kaganapan ay ang pinakamalaking pagtitipon ng mga Mason. Ito ay kadalasang dinadaluhan ng nasa 10,000 kasapi mula 436 Lodges at 63 Masonic Districts.

Kabilang sa mga rehis­tradong kalahok ay ang mga opisyal at kasapi mula sa mga Gran Lohiya sa ibang bansa; mga kinatawan na Appendant Bodies, Allied Masonic Degrees, at Sojourner Clubs; gayundin ang mga kapamilya, kasama, at kaibigan ng mga Mason.

Ginaganap tuwing ikaapat ng Huwebes (4th Thursday) ng Abril kada taon, ang ANCOM ay isang mahalagang bahagi ng tradisyon ng mga Mason. Binibigyan nito ang mga Freemasons o Francmason ng oportunidad na magkatipun-tipon upang talakayin ang mga “values and principles” na siyang pinahahalagahan ng kanilang kapatiran.

Ito rin ay isang kakaibang pagkakataon para sa mga kasapi upang higit na matutunan ang kanilang organisasyon; makilala ang iba pang mga kapatid na Mason; at sa sesyon sa kanilang plenaryo ay maging saksi sa mga pangyayaring papanday sa kinabukasan ng Grand Lodge of the Philippines.

Ang Freemasonry o Francmasoneriya ay isang kapatirang kapisanan na matutunton ang pinagmulan sa mga samahan ng mga stonemasons noon pang middle ages. Nagtataglay ng sistema ng mga aral na moral at ethical na naglalayong mapaunlad ang sarili, ang pakikilahok sa komunidad, at pakikiisa sa lipunan.

Ang pangdaigdigang samahan na ito na may mga lohiya sa iba’t ibang bansa ay nagkaroon ng mga makabuluhang papel sa historical at cultural na aspeto ng iba’t ibang lipunan.

Ang Gran Lohiya ng Pilipinas o Grand Lodge of the Philippines ay naitatag noong ika-19 ng Disyembre 1912 –may 111 taon na ang nakalilipas.

Show comments