Dalawang kelot, natagpuang patay sa gilid ng kalsada

DOÑA REMEDIOS TRINIDAD, Bulacan, Philippines — Dalawang lalaki ang natagpuang patay at tadtad ng tama ng bala ng baril at nakasubsob sa gilid ng kalsada sa Sitio Ahas, Brgy. Camachin ng nasabing bayan kahapon ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Jayson Flores, 34, live-in partner, driver at Ro­bert Sabado, 29, binata, driver kapwa residente ng Sitio Proper, Brgy. Camachin.

Sa report kay Bulacan Police director PCOL. Relly Arnedo ng DRT police, isang caretaker sa lugar ang nagreport sa kanila na may nakadiskubreng dalawang patay bandang alas-7:00 ng umaga.

Agad na tumungo ang mga pulis sa lugar hanggang sa tu­mambad sa kanila ang dalawang biktima na tadtad ng tama ng bala sa ibat-ibang parte ng katawan.

Nakita rin ng mga pulis ang mga nagkalat na basyo mula sa hindi pa matukoy na baril at isang nakatumbang motorsiklo malapit sa mga biktima.

Show comments