`Rido’, ugat ng madugong ambush sa Lanao

COTABATO CITY, Philippines — Malinaw para sa mga lokal na kinauukulan na “rido” o away ng mga angkan, ang siyang dahilan ng pananambang sa Lala, Lanao del Norte nitong Huwebes na ikinasawi ng dalawa katao at malubhang ikinasugat ng dalawang iba pa.

Sa pahayag nitong Biyernes ng mga opisyal ng Lala Municipal Police Station at ng Lanao del Norte Provincial Police Office, malinaw umanong target ng naturang ambush ang nasawi na si Cocoy Ariong Acampong na siyang nagmamaneho ng kotseng pinagbabaril ng mga armadong lalaki sa isang bahagi ng highway sa Barangay Magpatao ng naturang bayan.

Nasawi si Cocoy at ang kanyang anak na si Jehan sa naturang pananambang na nagsanhi rin ng malubhang pagkasugat ng dalawa nilang kasama na sina Razul Anquie Ameril at Alim Casar Tawantawan, ayon sa awtoridad.

Patungo sana sa Baroy Lanao del Norte ang mga biktima nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin ang kanilang sasakyan na bumangga pa sa isang concrete barrier sa gilid ng highway nang mawalan ng kontrol ang nagmamanehong si Acampong sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Show comments