MANILA, Philippines — Abut-abot ang paghingi ng paumanhin sa mga pulis ng isang 21-anyos na babae sa Puerto Princesa City, Palawan matapos niyang aminin na inimbento lang niya ang kuwentong ni-rape siya ng tatlong lalaki upang mapansin lang ng kanyang kinakasama.
Ayon kay “Gemma,” nagawa lang niyang mag-imbento ng kuwento sa pulisya na na-rape siya ng tatlong lalaki para mapansin ng kaniyang kinakasama.
Una rito, iniulat na sakay umano ng tricycle si Gemma nang halinhinan umano siyang pagsamantalahan ng tatlong lalaki.
Kaagad na nagsagawa ng imbestigasyon ang Police Station 2 para mahanap ang mga suspek. Pero lumitaw na hindi totoo ang sumbong, na kinalaunan ay inamin din ni Gemma na gawa-gawa lang nito ang reklamo.
Inamin ni Gemma na kulang siya sa pansin (KSP) at kulang sa atensyon ang ibinibigay sa ng kaniyang live-in partner kaya gumawa siya ng kuwento upang subukan kung mahal pa siya nito at nagmamalasakit. Madalas din umano silang magtalo ng kaniyang nobyo at hindi rin tinutulungan sa kanilang mga pangangailangan.
Bunsod nito, nagbabala ang pulisya na maaaring maharap sa kaso ang mga taong gumagawa ng pahayag kaugnay sa krimen na ikinaalarma ng pulisya at publiko.