COTABATO CITY, Philippines — Karagdagang dalawa pang magkagalit na pamilya sa Basilan ang nagkasundong wakasan na ang kanilang mahigit dalawang buwang alitan nitong Miyerkules.
Nagkasundo ang pamilyang Asarul at Karim sa bayan ng Sumisip sa Basilan na mag-ayos at muling mamuhay ng tahimik sa isang dayalogo sa headquarters ng 101st Infantry Brigade sa Isabela City, ayon sa ulat nitong Huwebes ni Bangsamoro regional police director Brig. Gen. Allan Nobleza.
Ang “rido” o clan war ng mga pamilyang Asarul at Karim ay nag-ugat sa pagkakabaril-patay ni Basid Karim kay Nasser Asarul sa loob ng isang carenderia sa gilid ng highway sa Barangay Buli-Buli sa Sumisip nitong November 8 lang. Napatay naman si Karim ng mga pulis na kumakain din sa naturang establisemento.
Ayon kay Nobleza, nagkasundo ang dalawang mga angkan na wakasan na ang kanilang rido sa isang dayalogo sa Isabela City nitong Miyerkules na naisagawa sa magkatuwang na inisyatibo ng Army Brig. Gen. Alvin Luzon ng 101st Infantry Brigade, ni Basilan Gov. Hadjiman Salliman at ni Basilan police director Carlos Madronio.
Naganap ang pagkakasundo ng dalawang angkan isang araw lang bago naayos ang madugong rido ng dalawang grupo ng Moro Islamic Liberation Front sa bayan ng Hadji Muhammad Ajul sa Basilan.
Lumagda sa isang peace covenant ang mga pinuno ng dalawang naglalabang grupo ng MILF na sina Geon Arasad at Tanad Nasalon matapos ng tatlong taong kaguluhan na namagitan sa kanila na nagsanhi sa pagkamatay ng 20 katao sa bawat panig.