Seguridad sa Lamitan City pinaigting ng PNP at Army

COTABATO CITY, Philippines — Mas pinalawig pa ng pulisya at militar ang seguridad sa Lamitan City laban sa mga grupong nagtatangkang manabotahe at manggulo kaugnay ng inisyatibo ng mga lokal na sektor na mapabuti ang imahe ng lungsod sa mga kapitalistang negosyante na mga taga labas.

Ang Lamitan City, Isabela City at 11 pa na mga bayan sa Basilan ay kilala na ngayon bilang bagong “investment hub” ng Bangsamoro region, o ligtas na destinasyon ng mga investors mula sa iba’t ibang rehiyon at sa ibang bansa.

Ayon kay Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ito ay resulta ng pagsuko ng mahigit 400 na miyembro ng Abu Sayyaf sa Basilan mula 2016, nakamit sa magkatuwang na inisyatibo ng mga local government units, ng pulisya at ng 101st Infantry Brigade.

Sa pahayag kahapon ni Brig. Gen. Alvin Luzon, commander ng 101st Infantry Brigade, kasama nila sina Lamitan City Mayor Roderick Furigay, Basilan Gov. Hadjiman Salliman, ang Lamitan City Police at Basilan Provincial Police Office sa kanilang pagbabantay sa lungsod upang mapanatili ang kapayapaan na dama na sa mga barangay na sakop nito.

Ang Lamitan City ay akma para sa malawakang propagasyon ng Cavendish banana na naibebenta sa ibang bansa, mga short-term crops katulad ng hybrid corn at mga exotic fruits gaya ng lansones, durian at mangosteen, ayon sa mga opisyal ng agriculture at trade and investment ministries ng Bangsamoro region.

Show comments