Lalaki arestado sa pagtangay ng P48K pera at gadgets sa isang resto

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang isang lalaki nang ito ay mahuli-cam sa ginawang pagbukas sa isang Japanese restaurant at pagtangay sa P48,000 pera at gadgets nito sa Imus City, Cavite.

Ayon sa pulisya na makikita sa CCTV ang isang lalaki na tila balisa habang umaatras at pumaparada ang isang SUV sa tapat ng establisyimento sa Aguinaldo Highway nitong Sabado.

Nilapitan ito ng lalaki at binuksan ang likuran at may kinuhang mga gamit at ilang sandali ay makikita na ang suspek na may kinakalikot at binubuksan na ang nakasarang Japanese restaurant.

Sa isa pang kuha, mapapanood ang lalaki na nililimas na ang kita ng restaurant na nasa kaha, bago kumuha pa ng ilang gamit.

Sinabi ng Imus Police na kabilang sa kinuha ng mga suspek ang P48,000 cash, laptop at ilang cellphone.

Ngunit dahil sa CCTV, natukoy at nadakip ang driver ng SUV, na kinilalang si Jesus Renegado, noong Lunes sa Maynila.

Natukoy na ng Imus Police ang pagkakakilanlan ng isa pang suspek na nakunan sa CCTV na pumasok sa restaurant, at pinaghahanap ng mga otoridad.

Show comments