5K residente nagsilikas sa Central Mindanao
COTABATO CITY, Philippines — Mahigpit na seguridad ang ipinaiiral ng pulisya at militar sa Central Mindanao simula nitong Lunes upang masawata ang anumang tangkang pagresbak o pagganti ng teroristang grupong Dawlah Islamiya (DI).
Ito ay kasunod ng pagkakapatay sa 23 na teroristang DIs matapos ang serye ng magkatuwang na mga opensiba ng Philippine Army at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) malapit sa Liguasan Delta sa Maguindanao del Sur at katabing mga bayan.
Kilala ang Dawlah Islamiya sa pagpapasabog ng bomba sa mga mataong lugar upang maipaghiganti ang mga kasamang napatay ng sundalo o pulis sa engkuwentro.
Sa pahayag nitong Miyerkules ni Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th Infantry Division, mas pinaigting pa ng kanilang mga tropa ang pagbabantay sa mga highway sa Central Mindanao at pinalawig pa ang mga foot patrols sa mga lugar na may presensya ng grupo upang hindi ito makapagsagawa ng pag-atake sa mga walang kalaban-laban na komunidad.
Hindi bababa sa 5,000 na residente ng mga barangay sa Pagalungan, Maguindanao del Sur at mga karatig bayan na naging sentro ng mga madugong labanan ng Dawlah Islamiya at ng MILF mula nitong Sabado hanggang Linggo ang lumikas sa mga ligtas na lugar sa takot na buweltahan sila ng mga terorista kasunod ng pagkamatay ng 9 sa kanilang miyembro sa naturang mga insidente.
Lumikas ang mga sibilyan matapos patayin ng mga Dawlah Islamiya terrorists ang isang residente sa lugar na si Datuan Dalgan, at kanyang 2-taong gulang na anak bilang ganti sa pagkamatay ng 9 sa kanila sa kanilang palitan ng putok sa mga miyembro ng MILF.
Unang kinanyon, gamit ang mga 155 Howitzer cannon ng mga kasapi ng 601st Infantry Brigade ang mga kuta ng Dawlah Islamiya sa Pagalungan at Montawal sa Maguindanao del Sur nitong Sabado, isang araw matapos makapatay ng 11 na mga terorista ang mga tropa ng 601st Infantry Brigade sa isang engkwentro sa Barangay Tuayan sa Datu Hoffer sa naturang probinsya.