SORSOGON CITY, Sorsogon, Philippines — Higit P1.5 milyong pisong halaga ng alahas at cash ang natangay ng grupo ng kawatan matapos butasin ang sahig ng isang pawnshop at pagnakawan sa Brgy. Talisay, West District, Sorsogon City, Sorsogon.
Nadiskubre ang pagnanakaw, dakong alas-8:10 kahapon ng umaga makaraang pumasok ang mga kawani ng Paracale Gold Pawnshop Branch 2 sa naturang lugar.
Sa ulat, mula sa labas ng gusali ay gumawa ng butas ang mga kawatan patungo sa direksyon ng pawnshop. Nang nasa ilalim na ng target na pawnshop ay binutas naman ang sementadong sahig hanggang makapasok sa loob.
Pinaniniwalaang gumamit ang grupo ng welding machine o acetylene upang mabutas nila ang bakal na pintuan ng vault room.
Nang makapasok ay binutas naman ang vault na nasa loob hanggang makuha ang nasa 300 na piraso ng mga alahas na tinatayang nasa P1.5 milyong piso ang halaga at cash na P30,000.
Pinaniniwalaang matagal na pinag-aralan ng mga kawatan ang eksaktong lokasyon ng papasuking pawnshop bago ginawa ang pagnanakaw.
Patuloy pa sa ginagawang imbestigasyon ang mga pulis para malaman ang pagkakakilanlan ng mga suspek.