MANILA, Philippines — Patay ang dalawang komyuter matapos paulanan ng bala habang sakay ng bus sa Carranglan, Nueva Ecija — ang mga suspek, namataan pa diumanong tumawid ng ilog at bundok matapos isagawa ang krimen.
Ayon kay P.Maj. Rey Ian Agliam, hepe ng Carranglan, Nueva Ecija Municipal Police Station sa panayam ng GMA News, nakatanggap "planado" ang naturang viral na pamamaril.
"Sa amin pong assessment, ito po ay planado," ani Agliam ngayong Huwebes sa live interview ng "Unang Hirit."
"Mukhang personal po [ang motibo sa pagpatay]... Meron pong ano po roon sa babae, pagbabanta."
Sa kumakalat na video, makikitang nakaupo sa harapan ng bus ang mga biktima na animo'y natutulog pa nang malapitang paputukan nang anim na beses ng isang pasaherong mula sa likod ng sasakyan.
Ang suspek — na may kasamang isa pang lalaki — ay kapansin-pansing nakasuot ng camouflage shorts. Inutusan ng nabanggit ang tsuper ng bus na ihinto ang sasakyan matapo paslangin ang dalawa.
Sinasabing parehong negosyante ang mga napatay.
"[Nagtalaga] na po tayo kahapon ng hot pursuit. Kasi ito po 'yung mga suspect po ay bumaba ng bus, then nag-traverse po sila sa ilog, then umakyat po ng bundok," dagdag pa ni Agliam.
"May mga eye-witness po tayo na umakyat po ng bundok 'yung dalawang suspect."
Nakausap naman na raw ang pamilya ng dalawa at nakakuha na rin ng affidavit sa kapatid ng babaeng biktima.
Bus company, may pananagutan?
Dagdag pa ng pulisiya, maaaring sadyang nagsuot ng camouflage ang mga suspek para matakasan ang maraming checkpoints sa mga kalsada. Ito'y matapos paghinalaan ng ilan na "unipormadong opisyales" ang gumawa ng krimen.
"May theory po kami na ito po ay 'plan B' na po sa assassination ng dalawa," dagdag pa ni Agliam.
"May sasakyan po itong mga biktima. Ipinagtataka po namin kung bakit po sila nag-commute at bakit po nasundan."
Hindi direktang sinagot ng Nueva Ecija Police ang media kung maaaring magkaroon ng pananagutan ang kumpanya ng bus sa insidente lalo na't nakasakay ang gunman nang may dalang armas. Gayunpaman, posibleng 'di raw ito napansin.
Hinihingian pa ng Philstar.com ng pahayag ang Victory Liner, Inc. patungkol sa insidente ngunit hindi pa sumasagot sa ngayon.