CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Matapos ang maraming taong pagtatago, nalambat muli ang tila mala-“Palos” na pangunahing akusado sa pagpatay sa isang Air Force captain at ROTC cadet noong Nobyembre 1991 sa Lucena City, Quezon sa isinagawang operasyon sa kanyang hideout sa Cainta, Rizal, ayon sa pulisya kahapon.
Sinabi ni Lt. Gen. Rhoderick Armamento, Area Police Command-Southern Luzon commander, nalambat ang puganteng si Joel Consuelo Villanueva, 69-anyos, sa kanyang safehouse sa Villa Cuana 111 Subdivision, Cainta, Rizal, sa bisa ng warrant of arrest sa kasong “homicide” na inisyu nitong Setyembre 18, 2023 ni Salvador Compentente Villarosa Jr., Presiding Judge ng RTC, Branch 56, Lucena City, at sa “illegal possession of firearms and ammunition” na inisyu ni Judge Guillermo R. Andaya ng RTC Branch 33, Lucena City noong Agosto 13, 1996 na may inirekomendang piyansa na P120,000.
Si Villanueva ay kabilang sa nakatala sa DILG’s Most Wanted Person na may patong sa ulo (monetary reward) na P275,000.
Nabatid kay Armamento na noong Nob. 16, 1991, habang nasa Laser Beat Disco, Midtown Pavilion, Lucena City sina Air Force Capt. Roger Nolasco at noo’y ROTC Cadet Arnold Santos nang pagbabarilin ni Villanueva, matapos silang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa loob ng nasabing disco bar na ikinamatay ng dalawang biktima.
Dito nadakip si Villanueva at nakulong subalit nakatakas sa kanyang selda noong Hulyo 29, 1995, ilang araw matapos naman ang kanyang conviction o hatol sa kasong double homicide. Siya ay muling naaresto noong May 24, 1996 ng Intelligence operatives ng Lucena Police, gayunman, nagtamo siya ng sugat sa ulo matapos mamaril sa mga operatiba habang siya ay inaaresto.
Kaya, isa pang criminal complaint ang isinampa laban kay Villanueva sa “illegal possession of firearm and ammunition at direct assault”. Pero, habang nasa kustodya siya ng BJMP at nilalapatan ng lunas sa National Orthopedic Hospital sa Quezon City ay dito muli siyang tumakas.
Ang naarestong pugante ay nasa kustodya na ng Lucena Police at mahigpit ngayong binabantayan bago siya ipasa sa New Bilibid Prison upang isilbi ang kanyanng sentensya.