14-anyos pumalag sa rape, winasak ang mukha!

Sa pakiusap ng pamilya at pulis, itinago na lamang sa pangalang “Nene” ang dalagita na residente ng naturang barangay.
STAR/ File

Bangkay tinabunan ng damo at bato

Albay, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang 14-anyos na dalagita na hinihinalang nanlaban sa tangkang panggagahasa sa kanya matapos na matagpuang patay habang basag ang mukha at sinadyang itago ang bangkay nito sa masukal na lugar ng Brgy. Tula-tula Grande sa lungsod na ito, kamakalawa ng gabi.

Sa pakiusap ng pamilya at pulis, itinago na lamang sa pangalang “Nene” ang dalagita na residente ng naturang barangay.

Sa ulat, pasado ala-1 ng hapon nitong Huwebes ay nakita si Nene na sumunod sa kanyang mga kaibigan na nagpunta ng kakahuyan sa kanilang lugar para maghanap ng nahulog na niyog sa puno.

Gayunman, ilang sandali ay bumalik na ang mga kaibigan pero hindi kasama ang biktima at bigo na ring makabalik sa kanilang tahanan.

Dito naalarma ang kanyang pamilya nang gumabi na at hindi pa nakakauwi ang dalagita kaya humi­ngi na sila ng tulong sa mga opisyal ng barangay sa pa­ngunguna ni Brgy. Chairman Jomar Sy at sa City Disaster Risk Reduction Management Office para hanapin ang nasabing biktima.

Dakong alas-11 ng gabi, laking gulat at panlulumo ng lahat nang unang nakita ang tsinelas ng biktima at damit habang ‘di kalayuan sa batis ay natagpuang patay ito na basag ang mukha na pinaniniwalaang binagsakan ng bato.

Sinadya pa umanong itago ang bangkay ni Nene dahil sa tinabunan ito ng mga damo at bato ng ‘di kilalang salarin.

Sa autopsy sa bangkay ng biktima, lumalabas naman na hindi nagalaw ang pagkababae nito pero may posibilidad na tinangka siyang gahasain ng ‘di pa tukoy na suspek su­balit nanlaban kaya siya pinaslang.

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Ligao City Police para matukoy ang responsable sa kalunus-lunos na sinapit ng biktima.

Show comments