MANILA, Philippines — Matapos ang pananalasa ng bagyong Egay at Falcon na pinalakas pa ng hanging Habagat, isinailalim na rin sa state of calamity ang bayan ng Lingayen sa lalawigan ng Pangasinan.
Nabatid na batay sa rekomendasyon ni Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil, pinagtibay ng Sangguniang Bayan ang Resolution 475 noong Sabado na naglalagay sa bayan ng Lingayen sa state of calamity.
Ang deklarasyon ng state of calamity ay paraan upang magamit ang quick response fund sa mga sinalanta at naapektuhan ng kalamidad.
Lumilitaw sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, 32 barangay ng bayan ay naapektuhan ng pagbaha.
Hindi bababa sa 12,663 pamilya o 51,455 indibidwal ang naapektuhan ng malakas na pag-ulan at pagbaha, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Nasa 11 bahay ang nasira at isa ang nawasak, kaugnay nito ay mahigit sa P 47 milyong halaga ng agriculture ang winasak ng super typhoon Egay at bagyong Falcon.
Namahagi na ang Municipal Social Welfare and Development Office ng P349,300 halaga ng food assistance, at P15,200 na gamot at mahigit sa 200 bag na bigas sa mga apektadong barangay.