MANILA, Philippines — Kapwa nasawi ang magkapatid na paslit habang nasa kritikal na kalagayan ang isa pa nilang kapatid matapos malason sa kinain nilang pinakuluang ligaw na halaman na inihain ng kanilang lola, noong Lunes sa Zamboanga City.
Ayon kay Dr. Dulce Miravite, City Health Officer, pagkalason ang naging sanhi ng agarang kamatayan ng 1-anyos habang ang kanyang kuya na 3-taon gulang binawian ng buhay kinabukasan at kanilang kuya naman na 7-anyos ay patuloy na inoobserbahan sa ospital at nasa maselang kalagayan.
Nabatid, na ang ina ng mga bata ay nakilalang si Fatima Gaddung at iniwan lamang ang mga anak nito sa kanilang lola na sinasabing may sakit sa pag-iisip.
Hinala ng CHO, ang mga biktima ay kumain ng pinakuluang dahon ng ligaw na halaman na lokal na kilala bilang “Maria Maria” o “Baggong.”
Pagkatapos kainin ng mga bata ang pinakuluang dahon, unang nagpakita ng senyales ng pagkalason ang isang taong gulang na paslit at agad binawian ng buhay.
Ganun din ang dalawa pang bata at sumunod na namatay ang tatlong taong gulang at ikatlong batang lalaki na edad-7 ay nasa kritikal na kondisyon sa isang ospital sa nasabing lungsod.
Nabatid na ang ama ng magkapatid ay umalis patungong Malaysia walong buwan na ang nakalilipas at hindi na nakipag-ugnayan sa pamilya mula noon.
Pinayuhan ni Miravite ang mga residente na nakatira sa mga bulubunduking bahagi na huwag kumain ng hindi kilalang mga halaman at halamang gamot upang maiwasan na malason na nauuwi sa pagkamatay.