MANILA, Philippines — Bumagal ang pagdaloy ng lava mula sa bunganga ng Bulkang Mayon sa Albay Bicol.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanolgy and Seismology (Phivolcs) kahapon, naging mabagal ang pagdaloy ng lava sa bulkan na may haba na 2.23 kilometro sa Mi-isi Gully at 1.3 kilometro sa Bonga Gully.
Nagtala rin ang bulkan ng mga pagguho ng lava hanggang 3.3 kilometro mula sa crater ng Mayon habang umaabot sa 595 tonelada ng asupre ang ibinuga ng bulkan.
Nasa may 2,500 metrong taas naman ng plume ang ibinuga ng bulkan na napadpad sa hilaga at hilagang kanluran.
Nagtala rin ang bulkan ng 2 volcanic earthquake at 284 rockfall events gayundin ng pitong dome collapse pyroclastic density current events sa nakalipas na 24 oras.
Patuloy na pinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ninuman sa loob ng 6 kilometer danger zone dahil sa aktibidad ng bulkan.
Nanatiling nasa Alert Level 3 ang bulkan.