MANILA, Philippines — Arestado ang isang 70-anyos na lola matapos ang karumal-dumal na pagpatay sa kanyang kasambahay saka itinapon sa may kalsada sa Deca Homes, Buhangin District, Davao City, noong Linggo ng umaga.
Nasa kustodya na ng pulisya ang suspek na nakilalang si Nenita Pagatpatan, widow, unemployed at residente ng Blk. 9, Lot 6, Deca Homes Subdivision, Cabantian, Davao City.
Ang matandang suspek ay agad naaresto ng mga pulis matapos makita sa CCTV footage na siya ang nagtapon ng bangkay ng kanyang kasambahay na si Sheila Han-ay Lagwasay, 29 anyos, at tubong Don Marcelino, Davao Occidental.
Ayon kay Police Major Joenel Pederio, acting chief ng Buhangin Police Station, dakong alas-6:30 ng umaga nang matagpuan ng mga residente ang bangkay ng isang babae sa Blk. 20 Lot 44 Deca Homes Subdivision, sa Brgy. Cabantian.
Nang siyasatin ng mga pulis ang kuha ng CCTV sa lugar, nakitang hila-hila ng matandang suspek ang isang cart na may karga at natatakpan ng trapal hanggang sa itapon niya ito sa nasabing lugar.
Sa pagsisiyasat ng mga imbestigador, nakitaan ng sugat sa likod ng ulo ang biktima na posibleng pinalo ng matigas na bagay at may saksak din sa likod at mukha nito.
Lumilitaw pa na posibleng inutusan lamang ang lola na itapon ang bangkay at may isa pang suspek na siya mismong pumatay sa biktima.
Sinabi ni Pederio na may isang anak ang matandang suspek na kasama nito sa sa bahay.
Hirap din ang mga imbestigador na makakuha ng detalye sa suspek dahil sa pagkamakakalimutin na.
Habang sinisiyasat sa police station, agad isinugod ang suspek sa Southern Philippines Medical Center matapos himatayin at mahirapan sa paghinga. — Diana Lhyd Suelto