CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines — Naglagay ng bagong mayor sa Mabini, Batangas kasunod ng ginawang pag-aresto kay incumbent Mayor Atty. Nilo Villanueva dahil sa pag-iingat ng mga armas at eksplosibo sa kanyang tahanan sa nasabing bayan.
Umupo si Vice Mayor Leonido “Totoy’ Bantugon (NUP) sa munisipyo ng Mabini bilang officer-in-charge kapalit ni Mayor Villanueva dahil sa pansamantalang nabakanteng posisyon.
Ayon sa isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), hindi na sila gagawa o mag-iisyu ng order dahil awtomatikong ang vice mayor na kasunod sa puwesto ang hahalili sa pansamantalang bakanteng posisyon.
“Villanueva was not performing his duty at present because he was in jail, however, if the case was not prosper in the court or he was acquitted or the case is dismiss, which was filed by the police authorities, he probably he could return to his position as mayor again,” anang opisyal.
Sina Mayor Villanueva at mga kapatid na sina Oliver at Bayani, ay inaresto sa search warrant operation ng CIDG-NCR sa pangunguna ni Col. Hansel Marantan, at SAF personnel sa kani-kanilang bahay sa Mabini noong Sabado.
Kahapon sinampahan na rin ng CIDG sa Department of Justice ang Villanueva brothers ng kasong paglabag sa R.A. 10591 o illegal possession of high powered firearms and explosives.