MANILA, Philippines — Nasa 20 estudyante ng Bacolod City College (BCC) ang nakaranas ng pagkahilo makaraang makalanghap ng usok o colored smoke mula sa props na ginamit sa kanilang Physical Education (PE) culmination event nitong Lunes ng hapon.
Ayon kay City Administrator Pacifico Maghari III, pitong estudyante ang dinala sa ospital, kung saan lima naman ang isinugod sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital habang ang iba ay nasa stable condition na.
“So far, everyone is okay. Their (condition) is stable,” ani Maghari.
Sinabi naman ni BCC administrator Johanna Ann Bayoneta na nakatanggap din ng first aid treatment ang mga apektadong estudyante.
Ani Bayoneta, ang mga apektadong estudyante ay nakaranas ng anxiety attacks at hirap sa paghinga.
Agad na rumesponde sa insidente ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Philippine Red Cross, Amity Volunteer Fire Brigade at Mountain Tigers Search and Rescue.
Ani Bayoneta, hindi pinapayagan sa loob ng campus ang smoke at fog machines.
Sa pahayag naman ng pamunuan ng eskwelahan, ang “creative colored smoke” na ginamit ng mga estudyante sa aktibidad ang dahilan ng insidente.
Nabatid na sakop sa aktibidad ay ang presentation para sa final performance task ng freshmen students na naka-enroll sa PE classes.