LAGUNA, Philippines — Tatlong hinihinalang drug pushers na kapwa high value target ang naaresto ng mga anti-narcotic operatives makaraang makumpiskahan ng may P3.1 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation sa lalawigang ito noong Sabado.
Kinilala ni Laguna Police director Col. Randy Glenn Silvio, ang mga drug suspects na sina Roni Hernandez, Christian Libao, at Jayson Muyna, pawang residente ng Calamba City, Laguna.
Sinabi ni Silvio na ang tatlong suspek ay nasa listahan ng mga High Value Target personalities na nag-o-operate sa lalawigan at mga kalapit na bayan.
Nabatid na sina Hernandez at Libao ay nasakote sa Barangay Turbina at nasamsaman ng walong plastic sachets ng hinihinalang shabu na nasa 405 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P2.7 million.
Samantala si Muyna ay nasabat sa Barangay Halang at nakuhanan ng 53.75 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P365,500.
Dagdag ni Silvio, ang tatlo ay kabilang sa 35 drug suspects na naaresto sa serye ng anti-illegal drug drive sa lalawigan.