Cavite, Philippines — Hawak ngayon ng city social welfare and development office (CSWD) ang dalawang menor-de-edad na 15-anyos at 16-anyos makaraan umano nilang holdapin ang isang 17-anyos na babaeng estudyante sa Brgy. San Francisco Gen. Trias City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Police Corporal Jhocel Dayumat ng Gen. Trias City Police, alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente sa Tierra Nevada, Brgy. San Francisco kung saan naglalakad ang estudyante na itinago sa pangalang Raiza, residente ng Mistral Plains, Brgy. San Francisco, Gen. Trias City nang harangin ng dalawang suspek na itinago sa mga pangalang John, 16-anyos, at Berry, 15.
Tinangay umano ng mga suspek mula sa biktima ang kanyang bag, isang IPhone 7, P2,000 cash at iba pang gamit nito.
Sa follow-up operation ng pulisya at sa tulong ng mga opisyal ng barangay, naaresto ang dalawang suspek at narekober sa kanila ang mga gamit at pera ng biktima.
Kasalukuyan nang nai-turnover sa CSWD ang mga kabataang suspek.