DUPAX DEL NORTE, Nueva Vizcaya, Philippines — Umabot sa 80 na litsong baboy at baka ang inihaw at pinagsaluhan ng mga residente bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-292 founding anniversary ng bayang ito.
Ayon kay Mayor Timothy Joseph Cayton, ang pagdiriwang na tinawag na “Lechonan sa Bayan” ay simbolo ng pagkakaisa at progreso ng bawat mamamayan sa kabila ng hamon na dala ng pandemya.
“Ang selebrasyon ng Lechonan sa Bayan ay pansamantalang natigil dahil sa epekto ng pandemya na dulot ng COVID-19, kaya dapat lang natin na ipagdiwang dahil sa kabila ng hamon ng buhay ay nalampasan natin ito at napagtagumpayan,” pahayag ni Cayton.
Naging pangunahing bisita sa pagtitipon si Senator Francis Tolentino na kauna-unahang senador na bumisita sa nasabing bayan.
Pormal naman na idineklarang anak ng Dupax del Norte si Tolentino sa pamamagitan ng isang resolusyon na ipinalabas at nilagdaan ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
Nakilahok ang 15 barangay na bumubuo sa bayan ng Dupax del Norte kabilang ang iba’t ibang organisasyon mula sa pribado at pampublikong sector, sa matagumpay na selebrasyon.