Tubig sa 26 sampling stations ng Puerto Galera, kontaminado

Puerto Galera
Photo courtesy of Cong. Arnan C. Panaligan - House of Representatives / Facebook page

MANILA, Philippines — Bagsak ang kalidad ng tubig sa 26 sa 35 “sampling stations” sa Puerto Galera at mga barangay nito, base sa pinagsamang ulat ng Department of Health (DOH) at Department of Environmental and Natural Resources (DENR).

Sa resultang inilabas nitong Abril 14, lumalabas na 9 na sampling stations lamang ang nakaabot sa criteria na itinakda para sa kalidad ng tubig ng DENR Administrative Order 2016-08 o ang Water Quality Guidelines and General Effluent Standards of 2016.

Ang mga nakapasang lugar lamang ay ang Small Lalaguna at Big Lalaguna Shoreline, Balete, Central Sabang Shoreline, Coco Beach, Batangas Channel, Paniquian, Balatero at West San Isidro Bay.

Para sa inuming tubig, sinabi ng DOH na walang dapat na natutukoy na lebel ng “contaminants” na lagpas sa standards dahil sa banta nito sa kalusugan. Kapag nalantad sa naturang uri ng tubig, maaaring magdulot umano ito ng sakit sa balat tulad ng rashes at mga sugat.

Ang langis at grasa naman ay maaaring mag­resulta sa ilang sakit sa respiratory at kung maiinom ito ay magdudulot ng “gastrointestinal” na mga sakit.

Pinayuhan ng DOH ang publiko sa Puerto Galera na mag-ingat sa pag-inom ng tubig sa mga natukoy na kontaminadong lugar at tiyakin ang kaligtasan kung magtatrabaho sa katubigan.

Inabisuhan din ang mga tao na umiwas sa pagkain ng kontaminadong isda, shellfish, at iba pang seafoods sa mga lugar na bagsak ang kalidad ng tubig.

Sa kabila nito, hindi naman direktang sinabi ng DOH na ang oil spill sa Negros Oriental ang dahilan ng pagbagsak ng kalidad ng tubig.  Maaari umanong may iba’t ibang factor ito na aalamin sa mga dagdag pang pag-aaral.

Show comments