Sa kasagsagan ng Semana Santa
BATANGAS, Philippines — Walong katao pa kabilang ang limang menor-de-edad ang nasawi sa pagkalunod sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito noong Mahal na Araw.
Sa bayan ng Lemery, apat na menor-de-edad at ang 23-anyos na si Mark John Espulgar ang nasawi matapos malunod habang nagsu-swimming sa dagat sakop ng Barangay Sambal Ilaya noong Sabado De Gloria bandang alas 3:00 ng hapon
Si Espulgar at ang apat na minor ay pawang mga residente ng Barangay Sampa, Sta. Teresita, Batangas.
Patay rin sa Lemery ang 61-anyos na si Juanito Tiples matapos malunod sa dagat sakop ng Barangay Matingain I, alas-12:30 ng hapon noong Sabado De Gloria.
Ayon sa report, pinipigilan pa umano ng Lemery Rescue Group si Tiples na magtungo sa dagat dahil sa kalasingan nito. Pero ilang saglit lang nakita na lamang ito na palutang-lutang at wala nang buhay sa mababaw na bahagi ng dagat.
Samantala, sa bayan ng Lian, patay rin ang 17-anyos na babae matapos malunod sa dagat ng Brgy. Lumaniag nitong Biyernes Santo bandang alas-10:00 ng umaga. Kasama ng biktima ang kanyang pamilya at mga kamag-anak para sa isang summer beach outing nang maganap ang insidente.
Sa bayan ng Nasugbu, patay rin ang 30-anyos na si Rexie Detaonon, matapos malunod habang lumalangoy sa ilog ng Brgy. Munting Indang nang tangayin ng malakas na daloy ng tubig bandang alas-2 ng hapon noong Biyernes Santo.