MANILA, Philippines — Kinundena ng Department of Education (DepEd) — Schools Division of Negros Occidental ang pagkakahuli ng "granada, iligal na droga't kaugnay na paraphernalia" sa isang Grade 10 learner sa Rafael B. Lacson Memorial High School sa Talisay City nitong Martes.
Ito ang ibinahagi ng DepEd schools division, Miyerkules, matapos isumbong sa baranggay ng isang pedicab driver ang estudyante. Aniya, tinakot daw ng bata ang tsuper na "pasasabugan siya sa ulo" matapos tumanggi ng una na dalhin siya sa eskwelahan.
Related Stories
"As soon as the barangay got the information, the officials contacted the Talisay City Police Station for an immediate response," wika ng DepEd – Schools Division of Negros Occidental kanina. Agad naman daw sinabihan ng punong baranggay ang principal para balaan siya sa sitwasyon.
"When members of the Philippine National Police arrived, they immediately searched for the learner until they found him in his classroom. They inspected his bag where they recovered dried marijuana leaves and a [pipe]. They also did a body search on him and found the hand grenade hidden in his underwear."
Nahuli naman na raw ang estudyante at kasalukuyang hawak ng Talisay City Police Station.
Agad naman inilikas ang iba pang mga estudyante patungo sa parking lot bilang bahagi ng police emergency protocol para matiyak ang kaligtasan ng lahat. Aniya, binigyan nito ng pagkakataon ang explosive ordinance disposal unit na ma-secure ang erya at makuha ang granada.
"Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Talisay City PNP ang suspek at mahaharap sa reklamong Grave Threat, R.A. 9516 para sa ilegal na pagdadala ng explosives at R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002," sabi ng Police Community Affairs and Development Group - Western Visayas kahapon.
Tinawagan naman ng punongguro ang schools division superintendent patungkol sa nangyari upang agad na masuspindi ang mga klase. Agad naman silang pinauwi kasama ng mga school personnel.
"The Division also reminds all learners to be more mindful and responsible for their decisions and actions as these have corresponding consequences eventually," panapos ng DepEd schools division.
Mahigpit namang nakikipag-ugnayan ngayon ang paaralan sa mga pulis upang makapagbigay ng kinakailangang tulong hanggang sa maresolba ang kaso.
Tinitiyak naman ng mga otoridad sa lahat ng mag-aaral, magulang, staff atbp. stakeholders na sineseryoso ang insidente lalo na't prayoridad ang kaligtasan ng lahat sa komunidad.
Kasama sa mga tulong na ibibigay sa lahat ng mga na-trauma sa insidente ang kinakailangang psychosocial support interventions. — may mga ulat mula kay Cristina Chi