BACOLOD CITY, Philippines — Isang Grade 10 student ang inaresto ng pulisya dahil sa pagdadala ng granada at hinihinalang pinatuyong marijuana sa loob ng paaralan sa Talisay City, Negros Occidental kahapon.
Ayon kay PCapt. Abegael Donasco, deputy police chief ng Talisay City, ang pagdakip sa estudyante na si Bronson Lucas Lacson, 21- anyos, ang isinagawa dahil sa reklamo ng isang “trisikad” driver, na umano’y pinagbantaan ng suspek ng dalang granada.
Nasabat at naaresto ng mga pulis na rumesponde sa nasabing reklamo, ang suspek sa loob ng school premises ng Rafael B Lacson Memorial High School sa Talisay City kung saan nakuha sa posesyon ng huli ang isang fragmentation grenade at suspected dried marijuana leaves.
Ang klase ay pansamantalang sinuspinde kahapon sa school, kung saan ang suspek ay naka-enroll bilang estudyante.
Sinabi ni Donasco na ang naarestong Grade 10 student ay nahaharap sa kasong grave threats, illegal possession of explosives at paglabag sa R.A. 9165, o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.