MANILA, Philippines — Walong lalaki ang dinakip matapos maaktuhang kinakatay ang aabot sa 15 pawikan sa Sulu.
Ayon kay Police Major Joel Senogat Jr., Station Chief ng Sulu Maritime Police Station, kabilang sa mga kinatay ay isang hawksbill sea turtle na maituturing na critically endangered na.
Batay sa ulat, nasa 15 pawikan ang kinatay sa baybayin ng Barangay Bubuan, Hadji Panglima Tahil sangkot ang walong lalaki.
“Patay na lahat [ng pawikan] at may na-recover pa kaming mga buto. Ang nakalulungkot dito, may isa doon critically endangered na species yung hawksbill turtle and the rest are green sea turtle,” ani Senogat.
Sa impormasyon, ibebenta sana ng grupo ang kinatay na pawikan sa Tawi-Tawi.
“May buyer sila from Tawi-tawi daw, parang ita-transport nila somewhere between Tawi-tawi and Palawan area at Chinese ang kukuha doon. Hindi lang matukoy kung magkano ang bentahan talaga,” ani Senogat.
Nakuha mula sa grupo ang limang motorized banca at mga gamit sa panghuhuli ng mga pawikan.
Mahaharap sa reklamong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang mga naarestong suspek.