MANILA, Philippines — Labing-isang kababaihan na pawang hindi residente ng Baguio City ang nasagip sa dalawang prostitution den na kunwari ay massage parlors sa kahabaan ng Magsaysay Avenue, kamakalawa ng gabi sa lungsod na ito.
Pinangunahan ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Cordillera (NBI-CAR) at mga social workers mula Baguio City Social Welfare and Development Office (OCSWDO) at mga representatives ng international anti-trafficking NGO Exodus Road-Philippines ang pagsalakay, alas-9:00 ng gabi sa dalawang massage parlors sa Old Market Building sa kahabaan ng Upper Magsaysay Avenue na malapit lang sa isang police sub-station na kung saan ay nadiskubre ang 11 kababaihan na nakatago sa madilim na bahagi ng ikalawang palapag ng gusali.
Inaresto ng mga otoridad ang dalawang babae at tatlong kalalakihan na umano ay mga empleyado ng massage parlors na sex dens.
Nadiskubre ang mga hindi gamit na mga condom sa isa sa massage parlor’s cashier’s booth na nagkukumpirma na ang establisyimento ay nag-aalok ng sex.