Drug trafficker na taga-Metro Manila huli sa P6.8 milyong shabu sa Camarines Sur

Sa ulat ni P/Col. Julius Caesar Domingo, Chief ng Camarines Sur police, kinilala ang nasakoteng suspect na si Ryian Magdalita, 35-anyos, residente ng Sampaloc, Manila.
STAR/File

MANILA, Philippines — Umiskor ang mga ope­ratiba ng pulisya kasunod ng pagkakasamsam sa P6.8 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Pili, Camarines Sur nitong Biyernes ng gabi.

Sa ulat ni P/Col. Julius Caesar Domingo, Chief ng Camarines Sur police, kinilala ang nasakoteng suspect na si Ryian Magdalita, 35-anyos, residente ng Sampaloc, Manila.

Bandang alas-7:50 ng gabi nang masakote ng mga operatiba si Magdalita sa Brgy. San Agustin ng bayang ito.

Bago ito, isinailalim sa masusing surveillance operation si Magdalita matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na isang drug trafficker na taga-Maynila ang nagbebenta ng droga sa nasabing bayan.

Isang undercover agent ng pulisya ang nakipag-deal kay Magdalita para bumili  ng 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P150,000.

Agad dinakip si Magdalita ng mga operatiba sa aktong iniaabot nito ang shabu sa undercover agent. Nang siya ay kapkapan, nakumpiska pa ang karagdagang apat na malalaking sachet na nag­lalaman ng 950 gramo ng shabu na umaabot lahat sa halagang P6,800,000.

Show comments