50 bahay winasak ng buhawi, 2 sugatan

Nagtumbahan ang mga puno at nasa 50 kabahayan ang winasak habang dalawa katao ang sugatan nang tumama ang malakas na buhawi sa dalawang lugar sa Arevalo, Iloilo City kahapon ng umaga.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Winasak ng buhawi ang nasa 50 kabahayan sa magkakahiwalay na lugar sa bayan ng Oton, Iloilo at Iloilo City kung saan dalawa katao ang sinasabing sugatan, kahapon ng umaga.

Batay sa imbestigas­yon na naganap ang insidente dakong alas-5 ng umaga nang mabagsakan ng puno ang bahay ng maglola na sina Vilma Villa­rete 63, at 9-anyos na apo sa Brgy. Sta. Cruz, Arevalo, Iloilo.

Sa report ng  Arevalo Police Station, natutulog ang maglola nang dumaan ang buhawi sa kanilang lugar at tinamaan ang bahay na gawa sa light materials.

Lumilitaw sa datos ng  Iloilo City Social Welfare Office, 39 na bahay ang nasira sa bagsik ng  buhawi kung saan 21 sa Brgy. Sto Domingo at 18 naman sa Brgy. Sta. Cruz.

Ayon pa sa ulat, dalawang  residente ang nagtamo ng sugat nang mabagsakan ng puno ng mangga ang kanilang bahay.

Natumba rin  ang mga poste sa dalawang barangay.

Samantala, sa bayan ng Oton, 15 bahay sa Barangay Alegre ang nasira at ilang puno ang pinabagsak ng buhawi.

Inilikas naman agad ng mga awtoridad ang mga residente patungo sa ligtas na lugar.

Inaalam umano ng mga awtoridad ang kabuuang bilang ng mga apektadong bahay at halaga ng nasirang ari-arian.

Show comments