Misis tepok dahil sa pusa, mister sugatan!

Trahedya sa New Year’s Eve:

LINGAYEN, Pangasinan, Philippines — Nasawi ang isang misis habang sugatan ang kanyang mister nang maaksidente dahil sa isang pusa sa national road ng Barangay Amalbalan sa bayan ng Dasol sa lalawigang ito nitong New Year’s Eve.

Sa ulat na tinanggap ng Pangasinan Police Provincial Office, kinilala ang nasawi na si Estrella Serna, 53-anyos ng Barangay Hermosa, Dasol habang ang sugatang msiter ay ay si Diosdado Serna, 54.

Sa inisyal na imbes­tigasyon, sakay ang mag-asawang Serna ng motorsiklo na minamaneho ni Diosdado at binabagtas ang natu­rang lugar nang biglang sumulpot at tumawid ang isang pusa.

Dahil dito, sinubukang iwasan ni Diosdado ang pusa subalit nawalan siya ng kontrol sa manibela na sanhi upang mag-slide ang sinasakyan nilang motorsiklo.

Nagtamo ng matin­ding pinsala sa kata­wan ang nasabing misis habang ang mis­ter ay bahagyang mga sugat lamang ang tinamo nito.

Isinugod ang mag-asawa ng mga sumaklolo sa Dasol Community Hospital kung saan idinelarang dead-on-arrival ang nasabing ginang ng mga sumu­ring doktor.

Show comments