CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Arestado sa isinagawang drug buy-bust operation ang dalawang lalaki makaraang makumpiska sa kanilang pag-iingat ang umano’y shabu na aabot sa halos P40,000 sa loob ng Cabanatuan Central Transport Terminal sa Barangay D.S. Garcia, rito, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang dalawang naarestong suspek na sina Ricardo Garcia at Kenchie Hernandez, kapwa ng lungsod na ito.
Nabatid sa ulat, alas-9:00 ng gabi nang isagawa ang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng drug enforcement unit ng Cabanatuan City Police at ng mga operatiba ng intel at DEU ng provincial police office.
Nabilhan umano ng tumayong police poseur-buyer ang suspek na si Garcia ng 1 heat-sealed plastic sachet ng umano’y shabu na pasimpleng nakalagay umano sa isang kaha ng sigarilyo kapalit ng marked money na P1,000 bill.
Sa puntong ito ay dito na inaresto ang mga suspek at aabot sa 5.7 gramo ang timbang ng nakumpiskang mga umano’y shabu na may street value umano na P38,760.